LEGAZPI CITY—Patay ang isang 12-anyos na batang lalaki habang nailigtas ang isang 8-anyos at 9-anyos na batang lalaki matapos malunod sa karagatang parte ng Barangay Palani, Balud, Masbate.


Ayon kay Balud Municipal Police Station Chief of Police Major Hadrian San Antonio, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ayon sa mga saksi, nag-iinuman umano ang pamilya ng mga biktima kung saan karamihan sa kanila ay lasing na, kung kaya hindi napansin na nawawala na ang tatlong bata.


Nasaksihan umano ng mga kapwa manlalangoy sa nasabing dagat ang insidente.


Batay sa imbestigasyon, kinain umano ng malalaking alon sa malalim na bahagi ng karagatan ang tatlong indibidwal.


Sa tulong ng mga testigo, nailigtas ang 8-anyos at 9-anyos na mga bata at dinala sa ospital para sa karagdagang paunang lunas.


Subalit kinumpirmang patay ang 12-anyos na bata dahil sa kanyang pagkalunod.


Samantala, pinayuhan din ng opisyal ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na sa pagpunta sa mga resort o swimming pool—gayundin ang paalala nito na magdala ng salbabida o anumang floating device para maiwasan ang mga ganitong insidente.