
LEGAZPI CITY – Napipilitang pumasok at magtanim ang mga hindi rehistradong magsasaka sa Barangay Mi-isi, Daraga, Albay sa loob ng 6KM Permanent Danger Zone ng Bulkang Mayon sa kabila ng pag-aalburuto nito.
Ayon kay Kagawad Servando Loria sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dahil karamihan sa kanilang mga residenteng magsasaka ay hindi rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture, hindi sila nabibigyan ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng cash for work program na malaking tulong sana para sa kanilang mga pananim na naapektuhan ng ashfall.
Kun kaya’t sinisikap nilang magtanim upang kumita ng ikabubuhay ng kanilang mga pamilya ngunit natatakot din siya na sumabog ang bulkan habang sila ay nasa loob ng Permanent Danger Zone.
Binigyang-diin din niya na bukod sa cash for work program, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa Lokal na Pamahalaan at iba pang ahensya kahit na isa sila sa mga naapektuhan ng patuloy na aktibidad ng pag-aalburuto ng bulkan.
Sa kabila nito, iginiit ng opisyal na ang tulong na natatanggap mula sa cash for work program ay hindi sapat sa kanilang residente lalo na para sa malalaking pamilya.
Nanawagan din si Loria na maglaan ng pondo para sa kanilang mga magsasaka, rehistrado man o hindi dahil pare-pareho silang apektado ng mga aktibidad ng Bulkang Mayon.










