LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Department of Health (DOH) Bicol na libre ang lahat ng public health services ng pamahalaan kasama na ang pagbabakuna laban sa COVID-19.

Kasunod ito ng natanggap na reklamo ng tanggapan mula sa isang indibidwal na may isang local vaccination center ang nagpapabayad umano ng nasa P50.00 sa kada babakunahan ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay DOH Bicol Program Coordinator for COVID-19 vaccine Dr. Rita Mae Ang-Bon, libre ang mga bakuna na binili ng pamahalaan maging ang donasyon mula sa COVAX facility.

Binigyan diin nito na mahigpit na ipinagbabawal ng opisina ang pagtanggap ng bayad at donasyon boluntaryo man o hindi para sa pagbabakuna.

Maaarin kasing maging dahilan pa ito sa pag-aalangan ng publiko sa pag-access ng mga serbisyo ng pamahalaan partikular na ang COVID-19 vaccination.

Maliban na lamang sa mga private secktor na bumili ng sariling bakuna kung saan maaari silang humingi ng minimal service fees.

Nilinaw naman ni Bon na hindi umano mga vaccinators ang sangkot sa nasabing usapin kundi mga Barangay Health Workers (BHWs).

Sa ngayon, pinapaimbestigahan na ng tanggapan ang nasabing reklamo at mapapanagot aniya ang mga sangkot oras na mapatunayan ang naraturang paratang.