LEGAZPI CITY-Inihayag ng United Arab Emirates (UAE) ang desisyon nitong umalis na sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at OPEC+ upang tumugon sa “national interests”, na nagdulot umano ng matinding hamon sa mga grupong nag-e-export ng langis sa panahon ng digmaan ng US at Israel laban sa Iran.

Ayon sa pahayag ng state media, ito ay magiging epektibo mula Mayo 1, 2026, na sumasalamin umano sa pangmatagalang estratehiko at pang-ekonomiyang pananaw ng UAE, pati na rin ang pagusbong ng kanilang energy profile.

Ito ay nagdulot umano ng makasaysayang pagkabigla sa enerhiya at yumanig sa pandaigdigang ekonomiya.

Ang pagkawala ng UAE na matagal ng miyembro ng OPEC ay nakikita na maaaring lumikha ng kaguluhan at magpahina sa bloc, na karaniwang naghahangad na magpakita ng pagkakaisa sa kabila ng mga hindi pagkakasundo sa iba’t ibang isyu mula sa geopolitics hanggang sa production quotas.

Sinabi ni UAE Energy Minister Suhail Mohamed al-Mazrouei, na ang desisyon na ito ay isinagawa matapos ang maingat na pagsusuri sa mga estratehiya sa regional power’s energy.

Nang tanungin ang Ministro kung kumonsulta ang UAE sa Saudi Arabia, ang bigating OPEC member, sinabi niyang hindi ipinaalam ng UAE ang isyu sa ibang bansa.

Samantala, karamihan sa mga OPEC Gulf producers ay nahihirapan na mapadala ng kanilang mga produkto sa Strait of Hormuz dahil sa banta at pag-atake laban sa mga sasakyang-dagat sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan ng US-Israel laban sa Iran.