LEGAZPI CITY – Sinimulan na ang konstruksyon ng kauna-unahang Tourist Rest Area sa rehiyong Bicol na ipapatayo sa Hiraya Manawari Nature Park ng Tabaco, Albay.
Mismong si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang nanguna sa groundbreaking ceremony ng proyekto kasama si Department of Tourism Bicol Regional Director Herbie Aguas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dorothy Colle, ang head ng Albay Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, nasa P10 milyon ang inilaan na pondo para sa proyekto na inaasahang matatapos sa loob lamang ang 120 araw.
Mayroon ang pasilidad na pahingahan ng mga turista, information center para sa mga tourist attractions, pasalubong center, kainan at iba pa.
Sa tulong ng Tourist Rest Area mas mapapadali at magiging organisado ang pagbisita ng mga turista sa rehiyon dahil mayroon ng isang gusali na maaring puntahan para sa lahat ng kanilang pangangailangan.
Sa Tabaco napili ng DOT na ipatayo ang pasilidad dahil mayroon na itong malaking bakanteng lote at malapit lamang sa Bulkang Mayon na isa sa pinakasikat na atraksyon sa Bicol.
Umaasa naman ang ahensya na sa tulong ng Tourist Rest Area ay mas lalakas pa ang turismo sa Albay at malalampasan ang 1.2 milyon na naitalang tourist arrivals noong nakaraang taon.