LEGAZPI CITY – Nagpatupad ng lockdown simula ngayong araw sa tatlong barangay sa Prieto Diaz, Sorsogon matapos na makapagtala ng tatlong pinakaunang nagpositibo sa coronavirus disease sa lugar.

Nabatid na sina Bicol #143, #144 at #146 ay mula sa mga barangay ng Quidolog, Bulawan at Carayat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero, marami ang nakasalamuha ni Bicol #144 na nabatid na isang guro kaya’t nagdesisyon na ipatupad na lamang ang lockdown para sa mas mabilis na contact tracing.

Nasa 30 indibidwal na rin umano ang nagkusang lumabas at nadala na sa isolation facility.

Nakatakdang isailalim sa swab ang mga ito.

Dong Mendoza, tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero

Kaugnay nito, iginiit ni Mendoza na epektibong hakbang ang pagpangalan ng provincial government sa mga nagpopositibo.

Pagbabahagi pa nito na bago pa man isailalim sa swab ang mga posibleng kaso, pinapipirm ng waiver ang mga ito para sa nilalayong transparency.