shooting incident in Guinobatan, ALbay

LEGAZPI CITY—Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril sa isang media practitioner habang sakay ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Morera, Guinobatan, Albay.

Kinilala ang biktima na si Noel Bellen Samar, 54 taong gulang, isang local media practitioner at residente ng Barangay Rawis, Legazpi City.

Nagtamo ng ilang tama ng bala sa ilang bahagi ng katawan si Samar at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad silang nagsagawa ng checkpoint sa pinangyarihan ng insidente at kasalukuyang nagsasagawa na ng hot pursuit operation upang maaresto ang suspek.

Aniya na bukod sa trabaho, posibleng road rage ang isa sa mga tinitingnan ng mga otoridad na motibo sa likod ng pamamaril.

Dagdag pa ni Nuñez, nire-review na nila ang CCTV footage na nakuha sa lugar at tinitingnan din ang iba pang kalsadang may CCTV para sa pagkakakilanlan ng suspek.

Samantala, mensahe ng opisyal sa publiko na kung sakaling may video sila sa insidente ay maaari nilang itong ipaabot sa kanilang social media account para makatulong sa imbestigasyon at pagresolba sa naturang pamamaril.