LEGAZPI CITY – Inaalam pa hanggang sa ngayon ang kabuuang halaga ng danyos sa nangyaring sunog sa Session Hall ng Sangguniang Bayan ng Juban sa Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay FO2 Mark Mendizabal, Fire Arson Investigator ng Juban Fire Station, unang nakatanggap ng impormasyon ang himpilan mula sa isang concerned citizen tungkol sa mga nasunog na wiring at basag na bintana ng establishemento.

Agad namang rumespondo ang mga otoridad sa lugar kung saan naabutan na puno ng usok at uling ang mga pader.

Aniya wala ng naabutan na apoy subalit sunog na sunog ang mga appliances kabilang na ang aircon na pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog dahil sa faulty electrical connections.

Ayon kay Mendizabal, isang kwarto lang ang nasunog at partial lang ang naging pinsala kung saan pwede pang maayos at magamit.

Ipinagpapasalamat naman nito na walang nasaktan sa insidente.

Paalala na lamang ng opisyal sa publiko na siguraduhing natanggal sa saksakan ang mga appliances at suriin ang mga gamit na pwedeng pagmulan ng sunog.