
LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na tumaas ang seismic energy na inilabas ng Bulkang Mayon habang bumaba naman ang mga naitala na uson at rockfall sa nakalipas na magdamag.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay kasabay ng naitala na pagtaas sa background tremor o mahinang pag-uga na nangangahulugang mayroong intrusion sa edipisyo ng bulkan.
Aniya, nananatili sa Alert Level 3 ang alert level status ng bulkan at walang namonitor na pagkasipa sa iba pang mga binabantayang parametero tulad ng sulfur dioxide flux at ground deformation upang maitaas ito sa Alert Level 4.
Gayunpaman, binalaan din niya ang mga residente na iwasan ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng pyroclastic density currents o uson, lava flows, rockfalls at iba pang panganib ng bulkan at maghanda sa posibilidad ng matinding pagsabog.
Sinabi ng opisyal na wala silang naitala na volcanic earthquakes sa mga nakaraang araw na nagpapahiwatig na walang bara at malayang nakakalabas ang magma, at volcanic hazards sa lava dome ng bulkan.
Nagbabala rin si Bornas sa publiko tungkol sa posibilidad ng maliliit ngunit napakainit na lahar sa Mi-isi, Bonga, at Basud gullies kung sakaling magkaroon ng malakas na ulan sa summit ng Bulkang Mayon.










