LEGAZPI CITY—Arestado ng mga awtoridad ang itinuturing na Rank No. 1 Regional Most Wanted Person ng Bicol at isa sa mga suspek sa pagkamatay ng football player na si Keith Absalon sa Barangay Cawayan Exterior, Masbate City.
Ayon kay Masbate Police Provincial Office Public Information Officer Police Captain Estrella Torres, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang suspek na si alyas “Jake/Gerome”, 35-anyos, miyembro ng Communist Terrorist Group – KLG North, SRC4, sa pamumuno ni Luding Tolingin alyas “Daddy/Herman” na kumikilos sa ikalawang distrito sa lalawigan ng Masbate.
Matagumpay na naisagawa ang operasyon sa pamumuno ng Criminal Investigation and Detection Group Provincial Force Unit, katulong ang Regional Intelligence Unit, 94th Special Action Force, Masbate Maritime Police Station, 96th Infantry Battalion, Provincial Intelligence Unit Masbate PPO, at Masbate City Police Station.
Inaresto ang suspek batay sa siyam (9) na warrant of arrest para mga kasong murder, attempted murder, frustrated murder, at paglabag sa Republic Act 9851 o Crimes Against International Humanitarian Law.
Si alyas “Jake/Gerome” ay sangkot umano sa iba’t ibang marahas na insidente sa lalawigan kabilang ang pagkamatay ng nasabing football player na si Absalon noong Hunyo 2021.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Masbate ang suspek para sa kaukulang disposisyon.