LEGAZPI CITY- Mas naging mahigpit pa ang ipinapatupad na seguridad ngayon sa St. Peter’s Basilica sa Rome, Italy kaugnay ng pagdagsa ng mga nais makiramay sa namaalam na si Pope Benedict XVI.
Ayon kay Bombo International Correspondent Mark Bodecus, mula pa sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagtungo sa lugar upang humabol sa public viewing.
Sinabi ni Bodecus na batay sa pakikipag-usap niya sa isang Filipino priest sa St. Peter’s Basilica ay nabatid na hanggang bukas na lamang ang isasagawang public viewing.
Bahagi kasi ng kultura ng Italy na hindi tumatagal ng mahigit sa tatlong araw ang isinasagawang burol.
Dahil dito ay tinatayang nasa dalawang kilometro ang pila ng mga nais masilayan si Pope Benedict XVI mula sa gate ng Vatican hanggang sa pagpasok sa mismong simbahan.
Dagdag pa ni Bodecus na oras na makapasok na sa simbahan ay hindi maaaring tumigil ng matagal at kinakailangang umalis agad matapos masilip ang labi ni Pope Benedict XVI upang mabilis na umusad ang pila.