LEGAZPI CITY- Aminado ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na may posibilidad na makapagtala ng pagdausdos ng lahar mula sa bulkang Mayon kung magpapatuloy ang malalakas na mga pag-ulan sa lalawigan ng Albay.
Subalit ayon kay Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa kasalukuyan at wala pang naitatalang anumang lahar flow.
Sa kabila nito ay nagbabala ang opisyal sa publiko na maging handa dahil matagal na aniyang nakakaranas ng pag-ulan sa lalawigan kaya siksik na sa tubig ang lupa kaya posible ang pagkakaroon ng small volume lahar.
Nilinaw ng opisyal na nagbabago ang rain threshold kaya patuloy na nakabantay ang tanggapan maging sa iba pang mga parametro sa Mayon volcano.
Dagdag pa ni Bornas na hindi pa rin ligtas ang bulkan dahil nakataas pa rin ang alert level 1 kaya dapat na maging alerto lalo na ang mga naninirahan malapit sa mga river channels.
Paliwanag nito na marami pa ang volcanic deposists na naibuga sa pagputok ng bulkang Mayon noong nakalipas na taon.