LEGAZPI CITY – Inamin ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na pahirapan ang ginagawang pagbabantay sa mga bulkan sa Bicol dulot ng mahigpit na restrictions sa community quarantine.
Inilatag ang naturang protocols upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease na batay sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) Bicol ay umabot na sa 190 cases.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Phivolcs Director Renato Solidum, pahirapan ang paglilipat ng mga instrumento mula sa Mayon Observatory patungong Bulusan Observatory sa Sorsogon.
Mapapansin sa inilabas na Phivolcs advisory noong Hulyo 6 kasabay ng pagtataas ng alerto ng Bulkang Bulusan sa Alert Level 1 o abnormal na lebel, walang datos sa volume ng buga ng asupre.
Aniya, hindi pa nasukat ang sulfur dioxide emission dahil kailangan pang ipasa ang instrumento mula sa Legazpi City subalit sapat na umanong dahilan ang maraming lindol at naobserbahang pamamaga sa paligid nito sa pagtataas ng alerto.
Samantala, ipinapasakamay na lamang ni Solidum ang pagdedesisyon sa naturang usapin sa mga local officials.