LEGAZPI CITY – Hindi pa ikinokonsidera ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagbaba sa kasalukuyang Alert Level 2 status na nakabandera sa Bulkang Mayon.
Nangangahulugan ang nasabing alerto ng posibleng phreatic eruptions, lava collapse, pyroclastic density currents at iba pang aktibidad kaya’t patuloy na ipinagbabawal ang human activity sa danger zones.
Sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pinakababantayan ang mga aktibidad ng bulkan kagaya na lamang ng mga naitatalang rockfall events at crater glow.
Above normal rin ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan na nasa average lamang dapat na hindi lalagpas sa 500 tonelada sa bawat araw habang namataan rin ang pamamaga sa paligid nito.
Pagbabahagi pa ni Solidum na kahit kaunti ang naitatalang pagyanig sa bulkan, may iba pang parametrong tinitingnan kaugnay ng posibleng panibagong magma na papaakyat.
Sa ganitong sitwasyon, pag-aaralan kung ipapanatili ang alerto o itataas sa Alert Level 3.