
LEGAZPI CITY- Inihayag ng ilang observers sa nagpapatuloy na confirmation of charges sa International Criminal Court na malinaw na malakas ang ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tila ‘blanket denial’ na lamang ang ginagawa ng lead counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman.
Mahirap umano na patunayan ang claims ni Kaufman na walang koneksyon ang mga pahayag ng dating panggulo sa paghikayat sa mga kapulisan sa mga patayan sa bansa na may kinalaman sa mga pinagdududahan na sangkot sa iligal na droga.
Aniya, walang mai-presenta na ebidensya ang legal team ni Duterte na gumawa ito ng mga hakbang upang pigilan ang mga pagpatay sa bansa sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Dagdag pa ni Arao na kinakailangan na fact checking ang gawin ni Kaufman sa mga ebidensya ng prosekusyon at patunayan na mali ang interpretasyon ng mga ito, subalit hindi umano ito nangyari sa ikatlong araw ng confirmation of charges.
Samantala, inaasahan naman nito na magkakaroon na ng pagsasalita ng ilang mga testigo sa ika-apat na araw ng confirmation of charges na nakatakda mamayang gabi.









