LEGAZPI CITY—Nakapagtala ng mga pagbabaha at mudslide sa iilang barangay ng Baras, Catanduanes dahil sa malalakas na pag-uulan dulot ng shearline.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office Baras Admin in Training Deputy Section Chief Frances Ramirez, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may naobserbahan silang mga barangay na binaha ngunit hindi naman aniya labis na mataas ang tubig-baha sa mga ito.
Mayroon din silang nirespondehan na ambulansya ng munisipalidad ng Gigmoto na mayroong pasyente kung saan ito ay kanilang iniahon mula sa nangyaring mudslide sa Barangay Moning at maihatid sa hospital.
Dagdag pa nito na katuwang nila ang mga kapulisan sa pagsagawa ng operasyon upang matulungan ang mga motorista na dumaraan sa naturang barangay.
Inihayag din ni Ramirez na maraming residente ang naapektuhan sa nangyaring pagbabaha.
Bagamat naghupa na ang pagbaha sa lugar ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang monitoring kasama ang ibang ahensya hinggil sa sitwasyon ng kanilang bayan.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na nakabantay 24/7 ang lokal na pamahalaan ng Baras para sa mga emerhensya o sakuna, gayundin upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mamamamayan.











