LEGAZPI CITY—Naniniwala ang isang propesor na dapat maparusahan ngunit hindi tama na kasuhan ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa estado ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay University of the Philippines College of Mass Media and Communications Professor Danilo Arao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, para sakanya ay labanan dito ang social media kaya ang kanilang parusa ay ang pag-call out, pag-fact check at pagrereklamo sa mga social media platforms kung ano ang dapat gawin sa kanilang accounts.
Aniya na kung kakasuhan ang mga hyperpartisan vloggers ay mas magiging martir ang mga ito sa mata ng publiko lalo na kung nasa kulungan na sila.
Binigyang-diin niya na bagamat may kasalanan ang mga nagpapakalat ng pekeng balita hinggil sa kalusugan ng presidente ay hindi sana ito lalala kung naging transparent ang administrasyong Marcos.
Dagdag ng propesor na dapat maging transparent ang gobyerno hindi lang sa estado ng kalusugan ng pangulo kundi maging ang kanyang mga ginagawa upang maibsan ang krisis na kinakaharap ngayon ng bansa.
Mensahe rin niya sa publiko na dapat maging vigilant sa kanilang nakikita sa social media, maging kritikal na observer at huwag agad maniwala sa mga nagpapakalat ng mga ganitong maling balita.











