
LEGAZPI CITY – Dinagdagan pa ng Albay Police Provincial Office ang dating 500 pulis na naka-duty sa 16 na border control points at 11 evacuation centers kaugnay ng patuloy na pagputok ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mayroong 149 na pulis na nagsasagawa ng 24/7 na seguridad sa border control at 121 na tauhan ng pulisya ang nagbabantay din sa mga evacuation center.
Ipinaliwanag niya na ang pagdagdag ay kinakailangan matapos ang ginawang adjustment sa border control pati na rin ang mas mahigpit na pagsubaybay sa mga evacuation center para sa seguridad at pangangailangan ng mga Internally Displaced Persons.
Isa pang dahilan na isinasaalang-alang ng kanilang tanggapan para sa pagdaragdag ng tauhan ay ang pagdagsa ng mga turista upang makita ang lava flow ng bulkan.
Binigyang-diin ng opisyal na ang karagdagang pwersa ay makakatulong sa mabilis na paglikas ng mga residente sa mga extended danger zones kung sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan at itinaas ito sa alert level 4.
Tiniyak din ni Nuñez na nagsasagawa ng shifting ang kanilang mga tauhan upang mapanatili ang kanilang mabuting kalagayan at kalusugan sa gitna ng pagbibigay seguridad sa lalawigan.










