LEGAZPI CITY- Muling nakapagtala ng panibagong bushfire sa paanan ng Bulkang Mayon kagabi.

Ayon sa tagapagsalita ng lokal na pamahalaan ng Camalig na si Tim Florece sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na inabot ng halos siyam na oras bago naapula ang sunog sa Barangay Tumpa.

Nabatid na ito na ang ika-lawang pagkakataon na nakapagtala ng bushfire sa naturang bayan ngayong taon.

Nabatid na limang kilometro ang distansya ng nangyaring sunog sa residential area kaya wala naman umanong nadamay sa insidente.

Dahil dito ay plano umano ng lokal na pamahalaan na bumuo ng contingency plan dahil ikinababahala na masundan pa ito sa mga susunod na araw dahil sa nagpapatuloy na naitatalang mataas na heat index.

Paliwanag ni Florece na ang mga madamong lugar sa paanan ng bulkang Mayon ay posibleng makapagtala ng mga bushfire lalo na sa kasalukuyan na bibihirang maranasan ang mga pag-ulan.

Samantala, ang nasunog na bahahi ng bulkan sa Barangay Tumpa ay karaniwang dinadaanan ng mga hikers.