
LEGAZPI CITY – Mahigpit na minomonitor ng Philippine Ports Authority Bicol ang mga daungan sa rehiyon kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa kasagsagan ng paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, katuwang nila sa pagbabantay ang Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority at mga Lokal na Pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga byahero.
Napansin din nila ang pagbaba ng bilang ng mga pasahero at pila ng mga sasakyan sa ibang mga daungan kung saan umabot lamang ito sa 23,000 na malayo sa kanilang naitala noong Semana Santa noong nakaraang taon ngunit hindi nila isinasantabi ang posibilidad na tataas pa ito sa Miyerkules o Huwebes Santo.
Batay sa datos ng nakaraang Holy week, aniya, maaaring tumaas ang bilang ng mga pasahero sa mga susunod na araw lalo na’t nagpatupad na ng mga work-from-home arrangement ang ilang mga tanggapan ng gobyerno.
Hinihinala rin ng opisyal na maaaring mabawasan ang bilang ng mga sasakyan at pasaherong sakay ng mga barko dahil sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.
Pinaalalahanan din ni Galindes ang mga pasahero na iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng matutulis at pampasabog upang hindi magkaroon ng pagkaantala sa kanilang biyahe.










