LEGAZPI CITY—Bilang karagdagang puwersa, nag-deploy ang Sorsogon Police Provincial Office ng mahigit 250 pulis para sa Peñafrancia Festival 2025 sa Naga City, Camarines Sur.
Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Arwin Destacamento, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto ng nasabing selebrasyon.
Aniya ipapakalat nila ang kanilang mga tauhan kasama ng volunteers at iba pang ahensya sa mga lugar kung saan gaganapin ang mga pangunahing aktibidad sa lungsod katulad ng Peñafrancia Traslación at Fluvial Procession upang mapayapa itong maisagawa.
Dagdag pa ni Destacamento, mananatiling naka-deploy ang mga pulis sa lungsod hanggang sa matapos ang aktibidad ng Peñafrancia Festival.
Samantala, hinimok din ng opisyal ang kanilang mga tauhan na maging mapagmatyag at tumutok sa kanilang trabaho para sa nasabing aktibidad.