LEGAZPI CITY – Hindi pa matukoy sa ngayon ang mga posibleng suspek sa panununog ng ilang heavy equipment na pagmamay-ari ng isang construction company sa bayan ng Daraga, Albay.

Nangyari ang insidente dakong alas-7:30 kagabi, Pebrero 14 subalit dakong alas-8:05 na nang gabi naipaabot sa mga otoridad.

Batay sa impormasyon mula sa Albay Police Provincial Office, natukoy na pagmamay-ari ng Verzontal Builders Inc. na dump truck na sinunog sa bahagi ng Brgy. Lacag at backhoe sa Brgy. Pandan, na nakatutok sa road widening project sa lugar.

Pinaniniwalaang sinadyang sunugin ang mga ito ng hindi pa matukoy na grupo ng mga kalalakihan.

Batay naman sa salaysay ng ilang residente, namataan umano ang presensya ng kaduda-dudang grupo na nagtungo sa lugar.

Bunsod nito, dadagdagan ng security force mula sa Daraga Municipal Police Station ang naturang area.

Nakipag-ugnayan na rin sa Bureau of Fire Protection (BFP) at 2nd Provincial Mobile Force Company (APMFC) sa kaukulang imbestigasyon.