LEGAZPI CITY – Umabot sa P5 million ang halaga ng danyos sa nangyaring sunog sa Brgy. Poblacion, Baleno Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay FO1 Brando Martinez, Fire Marshal ng Baleno Fire Station, madaling araw ng sumiklab ang naturang sunog sangkot ang isang residential house at dalawang pampasaherong bus.
Hindi naman nahirapan sa pagresponde ang mga awtoridad dahil sa tabing kalsada lang ang pinangyarihan ng sunog.
Ayon kay Martinez, mabuti na lang na mayroong fire wall ang naturang bahay kung kaya’t walang nadamay na katabing mga bahay.
Ipinagpasalamat din nito na walang nasaktan o nasugatan sa naturang insidente.
Ikinalungkot naman ng opisyal ang nangyari dahil ang naturang bus ang isa sa mga source ng transportasyon sa rutang Baleno, Aroroy at Masbate City.
Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente at inalis naman ang anggulo na dulot ito ng matinding init ng panahon dahil madaling araw na sumiklab ang sunog.