LEGAZPI CITY – Mariing itinanggi ni Former Albay Governor Edcel “Grex” Lagman ang mga alegasyong siya ay tumanggap ng suhol mula sa mga jueteng operator noong siya ay bise gobernador mula 2019 hanggang 2022 kasunod ng ibinabang dismissal order ng Ombudsman, apat na araw simula ng kaniyang pagbabalik matapos ang kaniyang six month preventive suspension.
Ayon sa kaniyang ipinadalang statement sa Bombo Radyo Legazpi, wala siyang natanggap na anumang “jueteng payola” sa buong panunungkulan niya, kabilang na ang panahon ng kanyang pagiging gobernador simula December 2022 hanggang sa kanyang pagkaka-dissmissed sa puwesto.
“Hindi ako kailanman tumanggap ng jueteng payola bilang bise gobernador o gobernador. Simula’t sapul, malinaw ang aking paninindigan laban sa jueteng,” pahayag ni Lagman.
Ipinabatid din niya na ang kanyang legal team ay naghahanda na ng mga kinakailangang hakbang upang iapela ang desisyon ng Ombudsman na naglalaman ng kanyang dismissal.
Noong April 24, natanggap ni Lagman ang kopya ng desisyon mula sa Ombudsman.
Bilang isang abogado at opisyal ng korte, agad siyang sumunod sa legal na proseso at boluntaryong bumaba sa puwesto upang hindi maantala ang operasyon ng pamahalaang panlalawigan.
Ipinagbigay-alam din niya ang desisyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Region V upang gabayan ang mga susunod na hakbang.
“Dapat lumabas na buong panunungkulan ko bilang gobernador ay malinaw ang aking paninindigan laban sa jueteng. Hindi ako kailanman inialok o humingi ng jueteng payola,” dagdag pa ni Lagman.
Binigyang-diin niya na walang katotohanan ang mga paratang na tumanggap siya ng suhol noong siya ay bise gobernador.
Ang mga alegasyon laban kay Lagman ay nag-ugat sa reklamo ni Alwin Nimo, isang dating barangay kapitan sa Daraga, Albay, na nagsabing siya ay nagsilbing “bagman” para sa mga jueteng operator at naghatid ng P60,000 kada linggo kay Lagman mula August 2019 hanggang June 2022.
Ayon kay Nimo, umabot sa P8.16 milyon ang kabuuang halaga ng suhol na naihatid niya kay Lagman.
Samantala, nanumpa na noong April 28 si Acting Governor Glenda Ong-Bongao bilang governor at siya rin ang kauna-unahang babaeng gobernador sa lalawigan ng Albay.