LEGAZPI CITY- Nagpaliwanag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V matapos na ulanin ng mga reklamo patungkol sa ikalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Reklamo ng mga ito, hindi na sila kabilang sa listahan ng mga makakatanggap ng ikalawang bugso ng tulong-pinansyal kaya’t hangad na malaman ang dahilan ng pagkatanggal sa payroll.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Regional Director Arnel Garcia, nilinaw nitong partial pa lamang ng mga benepisyaryo na nakalista sa payroll habang may ilan pang sumasailalim sa deduplication process.
Inilahad pa ni Garcia na maaaring lumabas sa isinagawang validation na bukod sa natanggap na cash aid sa unang tranche ng SAP, pumasok pa ang ayuda mula sa ibang ahensya kagaya ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA), Social Security System (SSS) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dahilan upang tanggalin sa listahan.
Maaari rin umanong nagkaroon lamang ng technical error sa listahan o kaya’y hindi talaga eligible na tumanggap ng ayuda dahil kumikita ng higit P5, 000 at bahagi ng formal workers.
Sa mga nagrehistro naman sa Relief Agad application na higit 200 sa Bicol, mismong ang central office umano ang magbibigay nito sa pamamagitan ng online payment scheme kaya’t hindi kasama sa listahan.
Bukas naman umano ang ahensya sa pagtanggap ng mga reklamo at reassessment ng benepisyaryo.
May nakatalagang grievance desk sa bawat payout kung saan maaaring dumulog ang mga may reklamo habang maari ring i-text sa kanilang hotline na 0951-106-5172 kalakip ang pangalan, lugar at mensahe.
Samantala, nag-uumpisa na rin ang pamamahagi ng naturang ayuda ngayong araw sa tulong ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) at Rural Bank of Guinobatan.