LEGAZPI CITY—Arestado ang isang lalaki matapos makumpiska rito ang iba’t ibang uri ng drug paraphernalia sa Matnog Port sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Matnog Municipal Police Station, Chief of Police, Police Lieutenant Colonel Ruel Pedro, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang suspek ay isang 32 taong gulang at nakatira sa Southern Leyte.
Ayon sa opisyal, pauwi na sana ang suspek sa Southern Leyte, ngunit sa inspeksyon sa Xray machine, dito na nakita ang kahina-hinalang kagamitan ng nasabing indibidwal.
Dahil dito, sinuri ng mga tauhan ng port authority ang kanyang mga gamit at nakipag-ugnayan na sa mga awtoridad.
Narekober mula sa suspek ang isang tila’y pentel pen na naglalaman ng dalawang tube at aluminum foil gayundin umano ang hinihinalang shabu.
Dagdag pa ni PLTCOL Pedro, isasailalim sa laboratory testing ang laman ng naturang tube.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang suspek at posibleng mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 partikular na sa Section 12 (Possession of Equipment, Instrument, Apparatus and Other Paraphernalia for Dangerous Drugs).
Samantala, pinayuhan naman ng opisyal ang mga pasaherong dadaan sa pantalan na iwasang magdala ng mga hindi importanteng kargamento katulad ng matutulis na bagay o armas para maiwasan ang anumang aberya.