
LEGAZPI CITY – Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Albay Police Provincial Office ang insidente kung saan aksidenteng dumausdos ang isang police mobile habang nag-aalok ng libreng sakay sa Barangay Tuburan, Ligao City noong Biyernes Santo.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na lumabas ang drayber upang tulungan sana ang mga sumasakay na senior citizen ngunit nagkaroon ng problema ang sasakyan na naging sanhi ng aksidente.
Nakalabas na ng ospital ang 14 na biktima habang ang isa ay kasalukuyang naka-confine habang ang drayber naman ay nasa kanilang kustodiya na ngayon para sa wastong disposisyon at imbestigasyon.
Binigyang-diin niya na kung mapatunayang nagpabaya ang drayber ng police mobile, maaari itong maharap sa reckless imprudence resulting to physical injuries at damage to property pati na rin ang administrative case.
Nangako rin ang opisyal na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga biktima pati na rin ang pagkukumpuni ng nadamay na Ford vehicle na nakatakdang basbasan sana noong araw na iyon.
Humingi rin ng paumanhin si Nuñez sa mga biktima ng insidente at tiniyak na gagawin nila ang lahat upang makamit ang hustisya sa kanilang sinapit.










