LEGAZPI CITY--Siniguro ng Department of Energy na handa silang tumulong sa Catanduanes kaugnay ng problema sa suplay ng kuryente sa lalawigan.
Ito ay matapos magkaroon ng problema sa pondo para sa pagbili ng diesel na nagpapatakbo ng planta ng kuryente sa Sunwest Water and Oil Company (SUWECO).
Ayon kay Catanduanes Governor Patrick Azanza sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, napagkasunduan nilang magkaroon ng long term at short term solution para sa nasabing problema.
Aniya sa long term solution ay matagal pang maipapatupad at marami pang proseso kung saan nais ng lalawigan na maikonekta sa mainland Bicol at maging on-grid ang kanilang lugar.
Dagdag pa ng gobernador na isa sa kanilang pansamantalang solusyon ay ang pagsuplay ng Philippine National Oil Company ng diesel sa pamamagitan ng National Power Corporation para sa SUWECO at tiyaking ang suplay ay may makatwirang presyo at ginagamit upang patakbuhin ang mga planta ng kuryente ng SUWECO.
Sinabi ni Azanza na nasiyahan siya sa tugon ng DOE at umaasa na ito ay maipatutupad lalo na ngayong mainit ang panahon.











