
LEGAZPI CITY – Nagbabala ang dating kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa posibilidad na maaapektuhan ang food security ng bansa dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay former Agriculture Secretary Leonardo Montemayor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, malaki ang posibilidad na tumaas ang presyo ng mga raw materials para sa paggawa ng mga nitrogen based fertilizer na inaangkat ng Pilipinas mula sa mga bansang apektado ng sigalot.
Bukod sa pataba, aniya, ang mga kagamitan at mga cold storage facilities na gumagamit ng gasolina ay maaari ring maging dahilan ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Binigyang-diin din ng dating opisyal na posibleng pansamantalang mag-angkat ng mga pataba mula sa mga kalapit na bansa tulad ng Indonesia, China, at Malaysia ngunit hindi pa ito tiyak dahil maaaring makikipagkumpitensya rin ang ibang mga bansa para makuha ang ganitong mga produkto dahil sa digmaan.
Nanawagan din si Montemayor sa Estados Unidos at Israel na itigil ang pagsalakay sa Iran dahil hindi lamang ang mga bansang malapit sa Iran ang apektado kundi pati na rin ang mga bansang umaasa sa mga produktong inaangkat mula sa kanila tulad na lamang ng Pilipinas.










