LEGAZPI CITY- Unti-unti ng bumabalik sa normal ang sitwasyon sa ilang mga estado sa United Arab Emirates matapos ang malawakang mga pagbaha na naitala sa bansa.

Ayon kay Bombo International Correspondent Ginuel Yabut na nagpakalat ang pamahalaan ng nasa 100 na mga tanker upang i-pump ang tubig lalo na sa mga binahang kalsada dahil nagdulot ito ng matinding pagka antala sa buhos ng trapiko.

Nabatid kasi na maraming mga sasakyan na ang nalubog sa baha.

Dagdag pa nito na napilitan rin na maglakad ang ilang mga Pilipino papasok sa trabaho dahil walang masakyan ang mga ito dulot ng ilang araw na mga pagbaha.

Sa kabila nito ay siniguro naman ni Yabut na ligtas naman ang mga Pilipino sa naturang bansa dahil sa mabilis na pag-aksyon ng pamahalaan.

Samantala, hanggang sa ngayon ay kanselado pa rin ang pasok ng mga mag-aaral upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito.