LEGAZPI CITY- Pinapaimbestigahan ng isang Bicolanong mambabatas ang umanoy talamak na operasyon ng iligal na jueteng sa lalawigan ng Albay.
Matatandaan na sa privilege speech ni Ako-Bicol Party list Representative Alfredo Garbin Jr. sa Mababang Kapulungan ay binanggit nito ang pangalan ng ilang indibidwal na may kinalaman umano sa operasyon ng illegal number games kabilang na sina Albay Governor Noel Rosal, Albay Police Provincial Office Director Col. Noel Nuñez at ilan pang pribadong indibidwal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa mambabatas ay sinabi nito na tino-tolerate umano ng law enforcement agencies sa lalawigan ang mga sindikato ng jueteng.
Aniya, madali lang sanang hulihin ang mga nasa likod ng iligal na aktibidad kung hindi magbubulag-bulagan ang mga kapilisan.
Tahasan pang inakusahan ni Garbin si Col. Nuñez na siyang nag-uutos umano sa mga chief of police na hayaan ang operasyon ng jueteng.
Samantala, sa hiwalay na panayam kay Albay Police Provicial Office Public Information Officer Police Lt. Col. Luisa Tino ay iginiit nito na regular ang pagsasagawa nila ng mga anti-illegal gambling operations kung saan sa pinakahuling operasyon sa Daraga, Albay an nakapag aresto ng aabot sa 30 mga indibidwal.
Dagdag pa nito na simula ng umupo si Col. Nuñez sa pwesto ay unang direktiba nito sa mga chief of police ay ang pagpapalakas sa kampanya laban sa iligal na sugal.











