LEGAZPI CITY- Nakumpiskar ng mga otoridad ang aabot sa P2 million na halaga ng pekeng sigarilyo sa ikinasang operasyon sa Barangay Quinale Cabasan, Tabaco City, Albay.
Ayon kay Philippine National Police-Bicol Regional Maritime Unit Assistant Intelligence Officer Police Captain Jay Steve Lozares sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dalawang lehitimong mga negosyante ang kanilang naaresto.
Paliwanag ng opisyal na dumaan sa masinsinan na pagmamanman at pagkolekta ng impormasyon bago ikasa ang naturang operasyon.
Ang naturang mga tindahan umano ang distributor ng mga pekeng sigarilyo na ipinapakalat pa sa ilang mga malalayong lugar.
Paliwanag ng opisyal na ang naturang mga iligal na kontrabando ay gumagamit ng pangalan ng mga lehitimong brands ng sigarilyo subalit walang graphic health warning signs ang mga ito sa kanilang packaging.
Dahil dito mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Tax Reform Act of 1997 at Graphic Health Warning law.
Samantala, siniguro naman ni Lozares na hindi titigil ang mga kapulisan sa pagpapanagot sa mga patuloy na nagpupuslit at nagbebenta ng iligal na mga produkto.