LEGAZPI CITY – Umabot sa 19 na lindol sa paligid ng Bulkang Bulusan ang naitala ng seismic monitoring network sa nakalipas na magdamag.
Kasunod ito ng ibinabang anunsyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na pagtataas ng lagay ng bulkan sa Alert Level 1 status o abnormal na lebel.
Batay sa inilabas na volcano bulletin ng Phivolcs sa Bulusan, iniuugnay ang mga pagyanig sa mahihina at mababaw na hydrothermal o magmatic gas activity sa edipisyo ng bulkan.
Naobserbahan rin ang mahinang singaw ng puting usok mula sa southeast vent sa ibabang bahagi ng Bulusan.
Namataan rin ang pamamaga sa naturang bulkan mula pa noong Pebrero ng kasalukuyang taon batay sa ground deformation data at tuloy-tuloy na Global Positioning System (GPS) measurements.
Samantala, mahigpit rin ang pagbabantay sa iba pang parametro sa bulkan habang abiso sa mga residente na huwag pumasok sa danger zones lalo pa’t posible ang steam-driven o phreatic eruption sa kasalukuyang lagay nito.