LEGAZPI CITY- Inihayag ng Embahada ng Pilipinas sa Colombia na ligtas ang mga Pilipino sa naturang bansa matapos ang naitalang magnitude 7. 4 na lindol.
Batay sa pakikipag ugnayan sa mga Filipino community sa naturang bansa ay walang nai-ulat na nasawi o nasaktan sa insidente.
Ayon kay Consul Judy Razon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroon lamang na isang Pilipino at pamilya nito ang pansamantalang nasa evacuation area matapos magtamo ng pinsala ang kanilang apartment building.
Matatandaan na tumama ang epicenter ng malakas na pagyanig sa San Jose del Palmar, sa lalawigan ng Chocó na naramdaman rin sa iba pang bahagi ng bansa.
Dagdag pa ng opisyal na sa kasalukuyan ay bukas umano ang komunikasyon ng embahada upang agad na umaksyon kung sakaling may mga Pilipino na humiling ng anumang uri ng asistensya.
Samantala, pinayuhan rin ni Consul Judy ang mga Pilipino sa Colombia na manatiling naka alerto dahil kahit tapos na ang malakas na pagyanig ay hindi pa rin tiyak kung magkakaroon ng mga aftershocks.











