
LEGAZPI CITY – Nakumpiska ng mga tauhan ng pulisya ang humigit-kumulang 800 litro ng gasolina na ilegal na ibinebenta sa magkakahiwalay na gasoline buybust operations sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Emsol Icawat sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, 642 litro ng produktong petrolyo o nagkakahalaga ng P53,286 ang narekober mula sa dalawang indibidwal sa isang operasyon na isinagawa sa bayan ng Viga.
Sa isang hiwalay na operasyon, nakumpiska rin ng kanilang mga tauhan ang 150 litro ng gasolina na nagkakahalaga ng P16,500 mula sa dalawang indibidwal sa bayan ng Caramoran.
Ito ay bahagi ng kanilang masinsinang operasyon laban sa ilegal na pagbebenta ng gasolina dahil nagdudulot ito ng banta sa buhay ng mga tao at lumalabag sa firecode ng Pilipinas.
Sinabi ng opisyal na ang mga naaresto ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o ang ilegal na pagbebenta ng gasolina.
Nagpapatupad din sila ng mahigpit na pagsubaybay laban sa profiteering, hoarding, at ilegal na pagbebenta ng mga produktong petrolyo sa buong lalawigan lalo na ngayon na may krisis.
Humingi rin ng paumanhin ang Icawat sa mga umaasa sa mga bote-boteng gasolina at hinimok ang publiko na magpagasolina lamang sa mga awtorisadong gasoline station.







