
LEGAZPI CITY – Hindi maipaliwanag ng Bicolano topnotcher ang kanyang kaligayahan matapos siyang pumwesto sa top 4 sa March 2026 Physician Licensure Examination.
Inamin ni Dr. Iran Viñas Brotamonte sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nahirapan siya sa eksaminasyon kaya hindi niya inaasahan na mapabilang siya sa mga topnotcher.
Kinuwento din niya na nagpursige siyang mag-aral at pumasa para maging doktor upang masuklian ang sakripisyo ng mga doktor na gumamot sa kanyang kondisyon noong bata siya sa pamamagitan ng pagtulong din sa ibang tao.
Matapos ang tagumpay, sinabi niyang plano niyang i-enjoy muna ang sandali at pag-isipan ang kanyang mga plano sa mga darating na mga araw.
Pinayuhan din ng topnotcher ang mga gustong maging lisensyadong doktor na huwag tumigil sa pag-aaral dahil ito ang susi sa pagkamit ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Pinasalamatan din ni Dr. Brotamonte ang Bicol University, ang kanyang mga magulang, at sa panginoon sa pagbibigay sa kanya ng suporta upang ipagpatuloy ang kanyang laban na maging isang doktor sa kabila ng mga hamon na kanyang kinaharap.










