More than 700 policemen have been deployed on the ground in the province of Sorsogon to enforce the pazy order during the Easter Season.

LEGAZPI CITY – Mahigit 700 pulis ang nakadeploy sa lalawigan ng Sorsogon upang ipatupad ang peace and order ngayong Semana Santa.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Spokesperson Police Major Arwin Destacamento sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang kanilang mga tauhan ay nakakalat sa mga simbahan, highway, terminal, daungan, at iba pang mga lugar kung saan dadagsa ang publiko.

Patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Ports Authority hinggil sa pagbabantay sa Matnog Port kung saan inaasahan nila ang pagdagsa ng mga pasaherong papasok at lalabas sa Visayas at Mindanao.

Nais din nilang muling mapatupad ang zero casualties sa kasagsagan ng Semana Santa ngayong taon kaya nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang force multipliers tulad ng PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire, Local Government, at iba pa.

Inilatag din ng opisyal ang kanilang contingency plan kung sakaling magkaroon ng pagsabog ng Bulkang Bulusan ngayong Semana Santa.

Tinitiyak din ni Destacamento sa publiko na nandito ang mga kapulisan upang magkaroon sila ng mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng Semana Santa.