LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (PHILRECA) na mayroong direktang epekto ang pagtaas ng presyo ng langis sa mga binabayaran sa power supplier sa bansa.
Dahil dito ay napipilitan umano ang mga electric cooperatives na magpatupad rin ng dagdag singil sa kuryente sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay PHILRECA Executive Director and General Manager Janeene Depay-Colingan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 70% hanggang 80% umano ng power supply sa bansa ay nagmumula sa coal sources kaya apektado ito ng pagtaas ng presyo ng langis.
Aniya, walang ibang magagawa ang mga kooperatiba kundi ipasa rin ang dagdag gastusin sa mga member-consumers.
Sinabi ng opisyal na hindi dapat magkaroon ng ‘price shock’ ang publiko dahil kahit ang mga manggagawa rin ng mga kooperatiba ay apektado rin ng pagmahal ng singil sa kuryente.
Dahil dito ay nanawagan rin si Colingan sa pamahalaan na gumawa ng mga mekanismo upang mabawasan ang bigat sa consumers.
Kabilang dito ang patuloy na pagpapalakas ng pagsusulong sa renewable energy upang mabalanse ang power cost.











