The Malacañang Palace confirmed that President Ferdinand Marcos Jr. will be formally inaugurated. to Congress to grant him emergency powers to reduce excise taxes on petroleum products during the crisis in the Middle East.

LEGAZPI CITY – Kinondena ng isang transport group ang walang tigil na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula pa noong pumasok ang kasalukuyang taon at pinalala pa ngayon ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) President Mody Floranda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na dahil sa naka-ambang pagtaas muli, mas pinahihirapan nito ang kanilang sektor pati na rin ang mga commuter.

Inamin din niya na ang halos P300 hanggang P500 na kinikita ng mga drayber sa National Capital Region kada 18 oras na byahe ay hindi sapat at hindi pa umano kasama ang nawawalang kita na napupunta sa diesel para sa kanilang mga jeep.

Hinimok din niya ang Gobyerno na suspindihin ang pagpapataw ng excise tax at value added tax sa mga produktong petrolyo upang mapababa ang presyo nito na magpapagaan sa pasanin hindi lamang para sa kanilang sektor kundi pati na rin para sa mga manggagawang Pilipino.

Mariing kinondena rin ng opisyal ang maagang pagtaas ng presyo ng ilang kompanya ng langis sa presyo ng kanilang mga gasolina kahit na hindi pa nalalapit ang Martes o ang pagpapatupad ng pinal na oil price adjustment.

Hirit din nito na ang pansamantalang pagpapatupad ng four-day workweek para sa ilang empleyado ng gobyerno ay isa ring malaking problema sa kanilang sektor dahil hindi ito nakakatulong bagkus ay lalo lamang nagpapalala sa ekonomiya ng Pilipinas.

Nanawagan din si Floranda sa mga mamamayan na magkaisa upang labanan ang gobyerno laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na unti-unting nagpaparalisa sa kanilang sektor at direktang nakakaapekto sa publiko.