
LEGAZPI CITY – Hindi pa kinokonsidera ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang paglikas ng mga residenteng naninirahan sa 7-8KM extended danger zones ng Bulkang Mayon sa gitna ng pananatili nito sa alert level 3.
Ito ay kasunod ng pagtatala ng ahensya ng pinakamalayo at pinakamalaking Pyroclastic Density Current (PDC) o uson na umabot sa humigit-kumulang 4 km pababa ng Mi-isi Gully at nagdulot ng abo sa ilang barangay ng Camalig at Guinobatan, Albay.
Ipinaliwanag ni PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na matagal nang lumilikha ng uson ang bulkan simula nang pumutok ito noong nakaraang buwan at ngayon lang nagkaroon ng matinding abo kaya hindi nila nakikita sa kasalukuyan na tataas pa ang alert level nito.
Gayunpaman, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na irekomenda ang paglikas sa mga nasa kanlurang bahagi ng bulkan kung sakaling patuloy na bumagsak ang abo habang pansamantalang paglikas naman kung sakaling magkaroon ng isang matinding ashfall.
Nilinaw din niya na nagbibigay lamang sila ng mga rekomendasyon sa paglikas ng mga residenteng naninirahan sa permanent o extended danger zones ng bulkan at nasa Local Government Unit umano ang pagpapasya sa pagpapatupad ng kanilang mga response measures para sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.
Nagbabala rin si Bornas sa biglaang pagtaas ng mga pagsabog ng lava na maaaring magdulot ng pagtaas ng bilang ng uson na maaari ring magdulot ng makapal na abo na maaaring makaapekto sa mga lugar sa kanlurang bahagi ng bulkan.










