LEGAZPI CITY—Aabot sa 600 pulis ang ipapakalat ng Sorsogon Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng pag-obserba ng Undas 2025.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Public Information Office Police Major Arwin Destacamento, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, 644 na tauhan ang ipapakalat ng kanilang tanggapan sa 29 na sementeryo sa lalawigan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga lugar na ito.

Naglagay din sila ng 26 police assistance desk sa mga simbahang Katoliko na isa rin sa mga pinupuntahan tuwing Undas.

Bukod dito, naglagay na rin sila ng 12 motorists assistance centers kung saan kasama nila ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, at iba pa para tulungan ang mga biyahero sa kanilang destinasyon o pupuntahang probinsya partikular na ang mga pupunta sa Visayas at Mindanao; gayundin upang makapagresponde kung sakaling magkaaberya ang mga motorista o kung kailangan nila ng tulong ng kanilang kapulisan.

Aniya na sa kasalukuyan ay wala pa silang naobserbahang pagdagsa ng mga pasahero sa Matnog port kung saan maayos at manageable pa rin ang sitwasyon sa lugar.

Naka-deploy na rin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Maritime Group sa mga pantalan ng Matnog, Pilar at Bulan.

Gayunpaman, hinimok niya ang publiko na bumiyahe nang maaga upang hindi na sila makasabay sa peak day ng pagsiuwian ng mga pasahero.

Samantala, pinayuhan ng opisyal ang mga bumabyahe ngayong Undas na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan, gayundin na patayin ang mga appliances sa kanilang mga tahanan na maaaring magdulot ng sunog.

Dapat ding tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang mga sasakyan at ang kanilang mga drayber kung sakaling babiyahe.

Dagdag ni Destacamento na maari ring bumisita sa kanilang social media page para sa safety tips ngayong Undas 2025 at dapat ding aniyang alam ang mga numero ng kapulisan upang sila ay makapagresponde sakaling kailanganin ang kanilang tulong.