LEGAZPI CITY – Nanawagan si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel sa Commission on Higher Education na pag-aralan ang pagbabalik ng lumang academic calendar para sa mga Higher Education Institutions.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa mambabatas, sinabi nito na hindi akma sa panahon at istruktura ng mga paaralan ang kasalukuyang academic calendar sa mga unibersidad at institusyon sa bansa.
Nakokompromisa umano ang kalidad ng edukasyon dahil sa magkakasunod na pagpapatupad ng online classes na dulot ng matinding init ng panahon.
Aniya, magiging posible umano ang isinusulong na hakbang kung magkakaroon ng malakas na rekomendasyon ang Commission on Higher Education kahit pa may karapatan na rin ang mga Higher Education Institutions na magpatupad ng sariling polisiya.
Iginiit pa ni Manuel na dapat na itigil na ng Pilipinas ang pagkopya sa mga regulasyon at polisiya ng ibang bansa lalo pa at iba naman ang klima at kapasidad ng mga paaralan.
Sinabi nito na matagal ng napatunayan na walang magandang epekto sa kalidad ng edukasyon sa Piliipnas ang pagkopya sa school calendar at polisiya sa ibang bansa.
Samantala, hinikayat ng mambabatas ang lahat ng mga mag-aaral sa bansa na makiisa sa panawagan upang mas marinig ng pamahalaan.