LEGAZPI CITY- Magsasagwa ng dalawang araw na tigil-pasada ang ilang grupo ng transportasyon sa rehiyong Bicol, sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Condor Piston Bicol President Ramon Rescovilla sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sisimulan ang naturang transport strike bukas, Marso 19 hanggang Marso 20.
Nabatid na lalahok sa naturang tigil pasada ang ilang mga transport group mula sa lalawigan ng Albay at Libmanan transport cooperative sa Camarines Sur.
Batay sa pagtataya ng naturang grupo na nasa 90% na mapaparalisa ang biyahe sa rehiyon dahil sa pakikiisa ng ilang mga transport group.
Magsisimula umano ito ng madaling araw bukas at magtatapos alas-11 ng gabi.
Ayon kay Rescovilla na nais nilang mabigyan ng solusyon ng pamahalaan ang patuloy na suliranin sa pagtaas ng presyo ng langis.











