LEGAZPI CITY – Pagtuunan ng pansin na mapunan ang mga bakante pang posisyon sa pamahalaan ang apela ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lizada, nasa 150, 000 ang unfilled spots sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa buong Pilipinas at mayroon nito sa bawat rehiyon.

Iprayoridad umano ang mga nananatili pa ring job orders at contract-of-service employees kahit 20 taon na ang iba sa serbisyo, na maari nang ma-absorb at ma-regular sa trabaho.

Imbes na nakatutok lamang sa organizational structure at staffing patterns kung nagra-rightsize, dapat ding bigyang-tuon ayon kay Lizada ang mga unfilled positions.

Sinabi pa ni Lizada, nasa 600, 000 ang mga JOs at COS sa bansa at pinakamaraming tala sa mga local government unit.

Pinapasilip din ni Lizada ang mga aktibong posisyon hindi lamang sa rank-and-file kundi sa mga opisyal lalo na ang mga ulat sa Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na parami nang parami ang vice-presidents.

Suhestiyon pa ni Lizada na kung hindi naman kailangan ang partikular na posisyon, buwagin na dahal pinaglalaanan ng pondo para sa posisyong wala namang tao.