
LEGAZPI CITY – Nagpatupad ang Department of Education (DepEd) Bicol ng “window hour” system para sa lahat ng mga outdoor games at field events sa nagpapatuloy na Palarong Bicol 2026.
Ayon kay DEPED Bicol Regional Sports Coordinator Francisco Dexter Sison sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, layunin ng hakbang ay protektahan ang mga atleta, coach, at opisyal mula sa tumitinding init sa Legazpi City.
Aniya, may karapatan din ang mga game officials na pansamantalang ihinto ang laro kung sakaling lumakas ang init ng araw na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga atleta at ipagpatuloy lamang ito kapag malilim o walang init.
Binigyang-diin niya na mas prayoridad nila ang kaligtasan ng mga bata sa gitna ng matinding init kaysa sa mga medalyang maaari nilang mapanalunan.
Sinabi ng opisyal na bukod sa “window hour” system ay nagsasagawa din sila ng adjusting sa ibang mga laro tulad ng athletics.
Sa kabila nito ay inamin niya na mas mainam na ang mainit na panahon kaysa sa mga maulang araw kaya umaasa siyang magiging mapayapa at walang masamang nangyari sa buong durasyon ng Palaro.
Nilinaw din ni Sison sa mga medalist na nakatakda silang sumailalim sa qualifying round upang matukoy kung sino ang magiging pambato ng rehiyon ng Bicol para sa Palarong Pambansa na gaganapin naman sa Agusan Del Sur.










