LEGAZPI CITY – Asahan na umano na magiging maulan pa ang panahon sa maghapon hanggang bukas, araw ng Linggo.
Ayon kay PAGASA DOST Legazpi Weather Forecaster Ariel Zamudio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tail-end of a frontal system ang weather system na nakaapekto sa malaking bahagi ng Bicol.
Pinag-iingat naman ni Zamudio ang mga kababayan sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Pinasusubaybayan rin ang mga ilalabas na public advisory ng weather bureau.
Samantala, naglabas naman ng rainfall warning advisory ang PAGASA dakong alas-8:00 ngayong umaga kung saan ibinabala ang yellow warning level sa Catanduanes habang nasa orange level naman ang Albay at Camarines Sur.
Nakakaranas naman ngayon ng mahina hanggang sa kung minsan malakas na mga pag-ulan ang Masbate kabilang na ang Burias at Ticao Islands na magtatagal mula dalawa hanggang tatlong oras.
Ayon pa kay Zamudio, maaaring sa Lunes, Disyembre 21 pa makaranas ng magandang lagay ng panahon ang mga naturang lugar.