LEGAZPI CITY—Apektado ng pagbaha ang isang paaralan sa bayan ng Aroroy, Masbate dahil sa malalakas na pag-ulan sa lugar.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Aroroy Head Ronnie Atacador, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isa sa mga apektadong paaralan ay ang Aroroy West Elementary School.

Malapit aniya ang paaralan sa isang mababang tulay na hindi pa naaayos hanggang sa ngayon at dahil na rin sa hindi masyadong malalim ang ilog kaya nagresulta ito sa pagbaha lalo na kapag malakas ang nararanasang pag-uulan sa nasabing lugar.

Aniya, nagtulong-tulong ang kanilang ahensya at Bureau of Fire Protection sa paglilinis sa naturang paaralan.

Ayon kay Atacador sa kasalukuyan humupa na ang tubig at operational na ang nasabing paaralan.

Dagdag pa ng opisyal, nasa 13 barangay ang apektado ng pagbabaha sa bayan ng Aroroy.

Samantala, inihahanda na rin ng kanilang ahensya ang mga tulong na ipapamahagi sa mga apektadong residente sa kanilang nasasakupan.

Pinaalalahanan din ni Atacador ang publiko na sundin ang anumang abiso ng kanilang opisina upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.