LEGAZPI CITY- Nagbigay na ng paglilinaw ang mismong opisyal ng Barangay San Vicente sa Virac, Catanduanes sa viral ngayon na video na kuha ng CCTV kung saan makikita ang isang tricycle na umanoy kusang gumalaw at nakapagpark pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kagawad Nilo Avila, noong nakaraang Linggo lang bandang alas 11:47 ng umaga ng dalawa sa kanilang mga residente ang nagpunta sa barangay upang ipareview ang kuha ng CCTV sa tricycle na sinasabing gumalaw at parang nagkaroon ng sariling buhay.
Ayon kay Avila, na nakaduty sa barangay hall ng mga oras na yun, agad nilang tiningnan ang video kung saan makikita ngang mag-isang gumalaw ang tricycle, lumipat sa kabilang gilid ng kalye at saka nag-park.
Upang malinawan sa insidente, mismong may ari na ng tricycle ang kanilang tinanong na humingi naman ng dispensa dahil naiwan niya umanong naka-neutral ang sasakyan na dahilan ng paggalaw nito.
Dahil dito malinaw na walang sakay ang nasabing tricycle ng mangyari ang insidente subalit palaisipan pa rin kung papanong tila nagkaroon ito ng sariling buhay.