LEGAZPI CITY- Pansamantalang naparalisa ang buhos ng trapiko sa Barangay Bañag ng Daraga matapos ang nangyaring karambola ng tatlong mga sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lorenzo Bañas ang tagapagsalita ng Public Safety Office ng Daraga, rumesponde ang kanilang mga tauhan sa report na may nagkabanggaan na isang tricycle, jeep at isang truck.
Pagdating sa lugar, matindi na ang traffic at halos hindi na makausad pa ang mga sasakyan kung kaya agad na tumulong ang Public Safety Office upang makadaan ang mga sasakyan.
Agad naman na naitabi ang mga sasakyan na sangkot sa insidente kung kaya balik na rin sa normal ang buhos ng trapiko.
Ipinagpapasalamat na lamang ni Bañas na wala namang malalang nasaktan sa insidente at galos lamang ang tinamo ng mga driver.
Sa ngayon nagkausap-usap na ang mga nagmamaneho ng nagkarambolang mga sasakyan na nagkasundo na babayaran na lamang ang pinsala at hindi na magsasampa pa ng reklamo.