LEGAZPI CITY – Mas tumaas pa ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruption ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon dahil sa pagdami ng mga naitatalang aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas, Chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nakapagtala ng 15 volcano-tectonic earthquakes sa loob ng 24 oras na dulot ng pagkadurog ng mga bato.
Ayon kay Bornas, indikasyon ito na mataas ang tsansa ng steam driven o phreatic eruption.
Nananatili pa rin ang pamamaga sa timog kanluran at timog silangang bahagi ng naturang bulkan na namonitor mula pa noong Pebrero 2023.
Sinabi ni Bornas na may naaamoy na ang ilang mga residente na asupre sa Barangay Cogon sa bayan ng Irosin dulot ng lumalalang abnormalidad ng bulkan.
Dahil dito, inalerto na ng opisyal ang mga residenteng nakatira sa palibot ng Bulkan Bulusan at mahigpit na inabisuhan na huwag pumasok sa permanent danger zone dahil maaari itong pumutok anumang oras.